Manila, Philippines – Nagsampa ng quo warranto petition sa Supreme Court ang suspindidong abugado na si Atty. Elly Pamatong laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa limang pahinang petisyon, iginiit ni Pamatong na may depekto sa Certificate of Candidacy (COC) ng Pangulo noong tumakbo ito bilang Punong Ehekutibo.
Ayon kay Pamatong, base sa record ng COMELEC, bago pa ang May 9, 2016 elections, umatras si Duterte sa kanyang kandidatura bilang mayor ng Davao na sinundan ng paghahain nito ng COC sa pagka-Pangulo.
Aniya, hindi pa naglalabas ng pinal na desisyon ang COMELEC sa COC ni Duterte nang kumandidato itong Pangulo.
Batay sa rule 66 ng rules of court, ang pinapayagan lamang na magsulong ng quo warranto petition ay ang Office of the Solicitor General (OSG), public prosecutor o kaya ay ang sinuman na naggigiit ng lehitimong karapatan sa posisyong inokupahan ng kinukuwestiyong opisyal.
Una nang sinuspinde ang lisensya bilang abogado ni Pamatong noong 2016 dahil sa pang-iinsulto sa isang hukom at idineklara namang nuisance candidate noong nakaraang presidential elections.