Manila, Philippines – Ikinabwisit ng mga senador ang depensa ni John Paul Solano na pre-existing heart disease ang ikinamatay ni Horacio Atio Castillo III at hindi hazing.
Diin nina Senators Win Gatchalian at Chiz Escudero, hindi doktor si Solano kaya hindi nito mababago ang katotohan na namatay si Atio dahil sa hazing na isinagawa ng Aegis Juris Fraternity.
Sa tingin ni Senator Win Gatchalian, kontrolado si Solano ng fraternity at ang mga hakbang nito ay naglalayong idiskaril ang paggulong ng hustisya para kay Atio.
Inaasahan naman na ni Escudero, ang mga palusot mula kay Solano bilang depensa pero hindi nito mababago ang nangyari na kung walang hazing o panggugulpi na ginawa kay Atio ay hindi ito dadanas ng cardiac arrest.
Diin naman ni Senator Juan Miguel Zubiri, kung dati ay Senado lang, ngayon ay buong Pilipinas na ang niloloko ni Solano.
Ikinumpara pa ni Zubiri si Solano sa isang miyembro ng criminal syndicate na wala namang katibayan na mailalabas sa kanyang mga argumento.
Nauna ng sinabi ni Senator Joel Villanueva na istupido ang nabanggit na depensa ni Solano at nakakapagsisi na dati nila itong pinaniwalaan sa pag-aakalang tutulong ito sa kaso ni Atio.