Depinisyon ng Philippine Statistics Authority sa “employment”, ikinagulat ng isang senadora

Kinukwestyon ni Senator Imee Marcos ang ginamit na depinisyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa “employment” o trabaho dahilan kaya napakataas o nasa 95.7% ang employment rate sa bansa.

 

Sinabi ni Marcos na batay sa pakahulugan ng PSA sa employment, kasama sa sektor na ito ang mga wage and salary workers gayundin ang mga self—employed na wala namang katiyakang may buwanang kita.

 

Kasama rin itinuturing ng PSA na saklaw ng employment ang mga “unpaid family workers” gaya ng mga nanay o housewives na nagtatrabaho sa loob ng bahay na wala namang sweldo.


 

Dagdag pa rito sa saklaw ng depinisyon ang mga may-ari ng sariling negosyo na hindi rin naman palagiang may kita lalo na kung tinamaan ng kalamidad.

 

Nakakagulat din aniya na saklaw sa depinisyon ng employment ng PSA ang mga indibidwal na nagtrabaho kahit isang araw lang sa loob ng tatlong buwan o isang oras sa nakalipas na buwan.

 

Iginiit ng senadora na kung ganito ang pagkahulugan sa employment ay talagang mataas ang magiging datos nito.

 

Umapela ang senadora sa PSA na ayusin ito lalo’t alam naman aniya ng PSA ang makatotohanang sitwasyon ng bansa.

Facebook Comments