DEPLOYMENT BAN | DOLE, irerekumenda kay Pangulong Duterte ang partial lifting sa skilled workers sa Kuwait

Manila, Philippines – Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na irerekumenda nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting para sa mga skilled workers habang pipigilan muna nila ang pagpapadala para sa mga kasambahay sa bansang Kuwait.

Ayon kay Bello, wala munang deployment sa mga household service workers dahil masusi munang busisihin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang agarang epekto ng lalagdaang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Kuwaiti Government para mabigyan ng proteksyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) doon.

Matatandaan na nakipagpulong mga mga opisyal ng gobyerno at Kuwaiti Government upang muling talakayin ang problema ng mga OFW sa naturang bansa at pipirma ng kasunduan kung saan nakasaad sa probisyon na bigyan ng karapatan ang mga manggagawang Pinoy na mahawakan ang kanilang cellphone, mabigyan ng day off, disenteng pagkain, at mahawakan ng Embahada ng Pilipinas ang mga pasaporte ng mga OFW para na rin sa kanilang seguridad.


Paliwanag ni Bello, nakapaloob sa MOU na nakatakdang pirmahan bukas na magkaroon ng magbubuo ng tinatawag na Special Unit ng mga pulis na makikipag tulungan 24 oras sa Embahada ng Pilipinas upang talakayin at bigyan ng agarang aksyon ang mga problema ng mga Pilipinong inaabuso ng kanilang mga employers.

Facebook Comments