Hindi epektibo ang deployment ban para solusyunan ang problema sa nararanasang pang-aabuso ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.
Giit ni Migrante International Chairperson Joanna Concepcion, nagpataw na rin noon ang bansa ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng kaso ng pagpatay sa Pinay domestic helper na si Joana Demafelis.
Pero kahit may kasunduan na sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait ay nagpatuloy pa rin ang pang-aabuso sa mga OFW doon.
Kinuwestiyon din ng grupo ang kawalan ng urgency ng pamahalaan sa pagtugon sa problema ng mga OFW dahil sa anila’y pahirapang pagkontak sa mismong hotline ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
Giit pa ni Concepcion, dapat na baguhin ng gobyerno ang ugali nitong saka lamang aaksyon kung kelan may nangyari nang malala sa mga OFW.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na dagdagan ang pondo ng Department of Migrant Workers (DMW) upang makapagdagdag ng tauhan sa mga embahada at konsulada at palakasin ang pagbibigay ng legal assistance sa mga Filipino worker sa Kuwait.