Deployment ban sa Lebanon, ipinatupad na ng Department of Labor and Employment

Nagpatupad na ng deployment ban ang Department of Labor and Employment sa Lebanon.

Kasunod na rin ito ng tumitinding kaguluhan sa nasabing bansa kung saan ang pinakahuli ay ang malakas na pagsabot sa Beirut na nag-iwan ng mahigit 160 patay at 6,000 sugatan.

Sa interview ng RMN Manila kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, hindi muna sila nagpapaalis ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) papuntang Lebanon at mas pina-prayoridad ang voluntary repartiation sa mga Pinoy na nawalan ng trabaho doon.


Kinakailangan muna aniyang hintayin ang transition government ng Lebanon bago ibalik ang deployment ng mga OFW sa nasabing bansa.

Sa August 17, inaasahang darating sa bansa ang unang batch ng mga OFWs na galing sa Lebanon kung saan lulan ng chartered flight ang nasa 400 na Pinoy.

Kinumpirma ni Bello na kasabay ring iuuwi ang mga labi ng apat na Pinoy na nasawi sa pagsabog sa Beirut.

Sa ngayon ay pumalo na sa 47 mga Pinoy ang nasugatan habang nananatiling dalawa ang nawawala sa pagsabog.

Facebook Comments