
Nagpatupad na ang pamahalaan ng deployment ban para sa mga bagong hire o first-time Overseas Filipino workers (OFW) na patungo sa ilang bansa sa Middle East dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ito ay matapos itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa United Arab Emirates, Bahrain, Qatar, Kuwait, at Israel.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Hans Leo Cacdac, Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW), na kapag nasa Alert Level 2 ang isang bansa ay awtomatikong ipinagbabawal ang deployment ng mga bagong OFW doon. Maglalabas din siya ng pormal na department order kaugnay nito.
Samantala, nananatili ang mas mahigpit na alerto sa ibang lugar sa rehiyon.
Nasa Alert Level 3 ang Lebanon na nagbabawal sa pagpapadala ng mga manggagawa, habang Alert Level 4 naman sa Iraq at Syria, at Alert Level 1 ang Jordan.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Iran habang hinihintay ang kumpirmasyon ng DFA sa kasalukuyang alert level nito.










