Suportado ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go, ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng medical corps sa mga ospital sa Metro Manila.
Ito ay para suportahan ang mga healthcare workers na karamihan ay sumasailalim sa quarantine dahil sa pagkahawa sa virus o exposure sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sabi ni Go, ang kautusan ng Pangulo na pag-deploy ng AFP at PNP medical corps ay mainam na tugon sa napupunong health facilities ng mga COVID-19 patients at kinukulang na mga medical frontliners.
Kaugnay nito ay hiniling ni Go sa Department of Health (DOH) na pag-aralan kung papaano ma-assign ang mga kasapi ng medical corps ng AFP at ibang uniformed departments para mapalakas ang mga ospital sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Bukod pa ito sa apela ni Go sa DOH na mag-deploy ng dagdag na healthcare workers sa mga ospital na kinukulang nito.