Pabibilisin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglulunsad nito ng Free Wi-Fi para sa lahat ng programang pang-edukasyon sa ilalim ng ‘new normal.’
Ayon kay DICT Secretary Gregorio Honasan, inatasan na niya ang units para makipagtulungan sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), State Universities at Colleges (SUCs) at iba pang educational institutions na madaliin ang pagkakabit ng internet access.
Suportado aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsusulong ng DepEd ng blended at distance learning.
Sinabi rin ni Honasan na nakatuon sila sa pagtatayo ng mga imprastraktura para matugunan ang inaasahang mataas na demand ng connectivity sa sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng Republic Act 10929 o Free Internet Access in Public Places Act, sakop nito ang pagtatayo at pagkakabit ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar at layong magkaroon ng internet stability.