
Plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilipat na sa Northern Luzon ang ilang mga tauhang kasalukuyang rumesponde sa mga biktima ng Bagyong Tino sa Visayas para paghandaan ang pananalasa ng paparating na Super Typhoon Uwan.
Ayon sa pangulo, napag-usapan nila sa situation briefing ng Office of Civil Defense (OCD) ang hamon sa deployment ng mga tauhan, lalo’t karamihan sa mga first responders ay nakatutok ngayon sa relief operations sa Visayas.
Inaalam na kung sino sa mga tauhan ang maaaring kumalas sa Visayas upang agad na maipadala sa mga lalawigang inaasahang tatamaan ng Uwan, partikular sa Cagayan at karatig-probinsya.
Pero nilinaw ng pangulo na hindi iiwan ng pamahalaan ang Cebu at iba pang sinalanta ng Tino hangga’t hindi tuluyang naibabalik sa normal ang sitwasyon.
Sabay aniyang pinaghahandaan ang panibagong bagyong mas malakas pa kay Tino habang tinutulungan ang Visayas.
Inaasahang tatama ang Bagyong Uwan sa mga susunod na araw at posibleng itaas sa kategoryang super typhoon, kaya’t naka-alerto na ang mga ahensya ng pamahalaan sa paghahanda.









