Nagpakalat na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng karagdagang pwersa sa Negros Oriental, kasunod ng sendoff Ceremony sa Barangay Salag, Siaton, Negros Oriental kahapon.
Ayon kay AFP Visayas Command (VISCOM) Commander Lt. General Benedict Arevalo ang mga tropang dineploy ay mula sa 6 na batalyon, kabilang ang 11th; 94th; 79th; 62nd; 15th; at 47th Infantry Battalion.
Idineploy ang mga tropa sa 2nd at 3rd District ng Negros Oriental para tumulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Joint Law Enforcement Operations tungo sa agarang paghuli sa mga nalalabi pang mga suspek sa brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 8 iba pa.
Alinsunod ito sa kautusan ni Department of National Defense (DND) Officer-In-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., at AFP Chief-of-Staff, General Andres Centino, kasunod ng paglikha ng Joint Task Force Negros para sa pagpapanumbalik ng peace and order sa lalawigan.
Ani Arevalo, ang presensya ng karagdagang tropa ay makakatulong na mapanumbalik ang kumpyansa ng mga mamayan at ma-enganyo ang mga possibleng testigo sa iba pang insidente ng karahasan sa lalawigan na lumutang at makipagtulungan sa mga awtoridad.