Deployment ng mga PUV sa pagbubukas ng klase, naging maayos – LTFRB

Walang naging problema sa deployment ng mga public utility vehicle (PUV) kaugnay sa pagbubukas ng klase nitong nakalipas na Lunes.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) Chairperson Atty. Cheloy Garafil na nagbukas sila ng 33 ruta sa Metro Manila para sa mga PUV.

Pero 28 lamang aniya ang nag-aapply para sa special permit pero ilan dito ay hindi pa fully deployed dahil mayroon pang mechanical at administrative issues matapos na hindi makapagbiyahe dahil sa pandemya.


Mahigit 3,000 bus aniya ang naka-deploy na ngayon para sa 28 na ruta pero inaasahan nilang madadagdagan pa ito ng mga nasa 1,000 kapag natapos nang ayusin ang kanilang problema sa dokumento sa Land Transportation Office (LTO).

Sa panig naman ng mga pampasaherong jeepney at UV Express ay wala naman daw naging problema dahil hindi na nila kailangang mag-apply ng special permit.

Pero dapat ay dating operator sila sa isang ruta at may valid na prangkisa.

Sa labas naman ng Metro Manila, sinabi ni Atty. Garafil na naging maayos ang deployment, nagtutuloy aniya ang ugnayan nila sa mga operator at mga driver para mapunan ang mga issue na kinahaharap sa public sectors.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtanggap ng LTFRB na aplikasyon para sa prangkisa.

Facebook Comments