Deployment ng Pinoy seafarers, posibleng babalik na sa sa pre-pandemic level bago matapos ang taong 2023

Tiwala ang Department of Migrant Workers (DMW) na magiging dominant force muli ang Filipino seafarers pagdating sa choice ng international crew.

Sinabi ito ni DMW Sec. Susan Ople kasabay ng ginaganap na Seafarers 2050 Conference sa Pilipinas.

Sinabi ng kalihim, magandang senyales na napili ang bansa na maging venue ng pagtitipon ng lahat ng malalaking shipowners association dahil sa pagpapakita ito ng pagpapahalaga sa mga Pilipinong seafarers.


Ito’y sa kabila nang nangyaring decertification mula sa European Maritime Safety Authority (EMSA).

Ayon kay Ople ibig lamang sabihin nito na kinikilala ng international shipping industry ang mga ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para mapahusay ang pagsasanay ng Filipino seafarers.

Kaya naman tiwala ang kalihim na bago matapos ang taon ay babalik na sa pre-pandemic level ang deployment ng mga Pilipinong seafarer.

Batay sa datos ng DMW, noong 2022 ay nasa 489 thousand na ang deployment, kaunti na lang para maabot ang higit 505 thousand noong 2019.

Ngayong 2023, nasa 150 thousand na ang deployment sa loob lamang ng tatlong buwan o mula Enero hanggang Marso.

Facebook Comments