Deportasyon ng mga OFW sa UAE, fake news – DOLE

Mariing itinanggi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang ulat sa isang online na may deportasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE) sa darating na Abril 2019.

Ayon kay Bello, fake news ang nasabing report na nagpapalito lamang sa mga manggagawang Filipino sa United Arab Emirates.

Ang pahayag ni Bello ay alinsunod sa report sa kanya ni Labor Attaché Alejandro Padaen ng Philippine Overseas Labor Office sa Abu Dhabi.


Sabi ni Padaen, tiniyak sa kanya  ni Dr. Omar Abulrahman Salem Alnuami, Assistant Secretary for Communication and International Relations of the Ministry of Human Resources and Emiratization na ang lumabas na ulat ay pawang mga “fake news.”

Pinatotohanan din aniya ito sa panig opisyal ng Emirate na si Asmaa Alamadani, executive director ng Mohre’s International Bilateral Relations Department ang nakipag-usap kay Labor Attache Felicitas Bay ng Polo Dubai at tiniyak sa kanya na walang katotohanan ang mga lumabas na ulat.

Nakasulat sa artikulo na ang mga dayuhang manggagawa sa 35 kategorya ng trabaho na higit sa 40 taong gulang ay tatanggalin at ipade-deport na sa kanilang bansa upang bigyang oportunidad ang mga UAE nationals, lalo na ang mga bagong graduate, upang lutasin ang krisis ng kawalan ng trabaho sa nasabing bansa.

Kabilang sa mga trabahong nabanggit ay mga pharmacist, medical secretary, administrative clerk, human resource officer, receptionist, treasurer, librarian, security guard, purchasing manager, debt collector, cashier, tour guide at iba pa.

Facebook Comments