Isang protest caravan ang isasagawa ng ibat-ibang grupo kasabay ng pag-alis na sa bansa ngayong araw ni Sister Patricia Fox matapos ang ilang buwan na legal na pakikipaglaban sa kautusan ng Bureau of Immigration (BI) na siya ay ipa-deport dahil sa pagsali niya sa mga kilos protesta laban sa gobyerno.
Tuluyan nang tinanggihan ng Bureau of Immigration (BI) ang kanyang aplikasyon para sa extension ng kaniyang temporary visitor visa.
Isang misa muna ang idaraos mamayang alas diyes ng umaga sa St. Joseph’s College sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City bilang pasasalamat sa mga naiambag nito sa pagkalinga sa mga mahihirap.
Ang 71-anyos na madre ay naninindigan na manatili sa Pilipinas na napamahal na sa kaniya matapos ang tatlong dekadang pagmimisyon.
Mamayang alas onse ng umaga, magbibigay din ng kaniyang huling press conference si Sister Patricia Fox na sasamahan ng kaniyang mga legal counsel.
Pagka pananghalian, magkakaroon ng caravan patungong Baclaran Church kung saan magkakaroon ng isang maikling program.
Bandang alas tres ng hapon, isang protest caravan ang lalarga at sasama sa paghahatid kay Sister Fox sa terminal 2 ng NAIA.