Inirekomenda ng Department of Energy (DOE) na magkaroon ng minimum inventory sa produktong petrolyo ang mga local oil firms base sa kada produkto at kada kompanya o gawin itong depot basis.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau Rino Abad, sa halip na kabuuang suplay ng bansa ang magiging basehan ng inventory sa produktong petrolyo ay mas maganda na gawin ito sa kada produkto o kada kompanya para sa pagpasok ng mga refiner at direct importer.
Nais din aniya ng DOE na maamyendahan na ang Oil Deregulation Law upang makapagpalabas ng mga panuntunan at specification ukol dito.
Dagdag pa ni Abad na naka-angkla ang panukala sa dalawang pangunahing regulasyon na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nag-utos sa oil industry ng bansa na magkaroon ng minimum inventory ng petrolyo noong may tensyon sa pagitan ng US at Iraq.
Sa ilalim nito ay kailangang may minimum inventory level na 30-day supply ang mga refiner kung saan kabilang na rito ang krudo at mga produktong petrolyo; habang 16-day supply naman para sa mga direct importer ng refined petroleum products; at pitong araw na supply para sa mga importer ng LPG.
Ang mga parameter ay ibabatay sa arawang average ng supply inventory ng produktong petrolyo sa bansa sa nakalipas na anim na buwan.