Deputy Chief of Police ng PNP Peñablanca, Sugatan nang Pagbabarilin lulan ng Patrol Car

Cauayan City, Isabela- Naglatag na ng manhunt operation ang pinagsanib na pwersa ng PNP Peñablanca at Provincial Mobile Force Company laban sa hindi pa matukoy na bilang ng gunmen makaraang tambangan at pagbabarilin pasado alas-7:00 ngayong gabi ang patrol car sakay ang deputy chief of police na si PLT. Randy Baccay ng Peñablanca, Cagayan.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay PMSG. Darwin Damaso, nasa maayos na ang kalagayan ng biktima matapos itong tamaan sa pwetang bahagi ng kanyang katawan habang nagsasagawa ng anti-illegal logging operation sa Sitio Dalayat, Brgy. Minanga, Lagum Area.

Lumalabas sa inisyal na ulat, apat na pulis kabilang si Baccay ng mangyari ang pananambang sa kanila ng mga suspek subalit maswerteng walang tama ng bala ang mga kasamahan ni Baccay maliban sa kanya.


Hakbang ng mga otoridad ang ginawang operasyon para matigil ang talamak na pamumutol ng kahoy alinsunod na rin sa binuong Anti-Illegal Logging Task Force sa Cagayan.

Kahapon lang ng masabat ng mga otoridad ang nasa higit 3,000 board ft. ng pinutol na kahoy sa lugar.

Matatandaan naman na hindi ito ang unang insidente ng pananambang sa lugar dahil tatlong forest rangers ng DENR ang pinagbabaril hanggang sa mapatay habang nagsasagawa ng operasyon.

Facebook Comments