Binawi ng Sandiganbayan 5th Division ang guilty verdict nito laban kay Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Prospero “Butch” Pichay Jr., na nahaharap sa kaso ng katiwalian kaugnay sa maanomalyang ₱1.5 million chess tournament.
Sa 24 na pahinang desisyon, binaliktad ng anti-graft court ang naunang desisyon noong October 23, 2020, kung saan hinatulan si Pichay at dalawang iba pa ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standard.
Ibig sabihin, napawalang sala na si Pichay sa mga nabanggit na kaso.
Sa desisyong pinonente ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac, inamin ng korte na nagkamali sila sa iginawad na hatol matapos na mapatunayang walang sapat na ebidensya laban kina Pichay at mga kasama nitong sina Emmanuel Malicdem at Wilfredo Feleo.
Iniutos din ng anti-graft court na alisin ang Hold Departure Order o HDO laban kay Pichay, at ipinababalik din ang inilagak nitong piyansa.
Nag-ugat ang kaso noong 2010 kung saan Chairman pa ng Local Water Utilities Administration at Presidente rin noon ng National Chess Federation of the Philippines si Pichay at nag-sponsor ang ahensya ng ₱1.5 million sa isang chess tournament.