‘Designated survivor’ bill, hango sa isang U.S. TV series

Manila, Philippines – Hango sa U.S. TV series ang inihaing panukala ni Senator Panfilo Lacson na tiyaking na may mamumuno pa rin sakaling may mangyaring masama sa mga matataas na opisyal ng bansa.

Layunin ng Senate Bill 982, o “designated survivor” bill na hindi mabakante ang liderato ng pamahalaan at magtuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng gobyerno sakali mang mapahamak ang mga nabanggit na opisyal.

Ayon kay Senator Lacson, ang panukalang batas ay bunga na rin ng patuloy sa pagtaas na banta ng terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo, mga kalamidad at “exceptional circumstances” na maaring maging daan para hindi magampanan ng bise presidente, senate president at house speaker ang responsibilidad na minana sa pinalitang presidente.


Sa ilalim ng panukala, tatlo ang kwalipikadong mamuno sa pamahalaan sakali mang hindi na umubra ang nasa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan:

Kinabibilangan ito ng:

  • Pinakabeteranong miyembro ng mataas na kapulungan batay sa haba ng taon ng paninilbihan bilang senador.
  • Pinakabeteranong miyembro ng mababang kapulungan na may pinakamahaba ring taon sa serbisyo bilang congressman.
  • Miyembro ng gabinete na inatasan ng Pangulo.

Nakasaad din sa panukala na kapag ang lahat ng mataas na lider ng bansa ay nasa isang pagtitipon, dapat may inatasan ang Pangulo na nakahandang pamalit sa mga ito at nakatago sa isang ligtas na lugar para mamuno sa bansa sakali man na silang lahat ay mapahamak nang sabay-sabay.

Matitigil lamang ang pagganap bilang pinuno ng pamahalaan ng “acting president” 90 araw matapos na maluklok sa puwesto ang bagong Pangulo.

Samantala, mayroon din itong kaparehas na panukala sa Kamara, ang House Bill 4062 ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Ccastelo.

Facebook Comments