
Muling iginiit ng Department of Health (DOH) na nasa desisyon na ng lokal na pamahalaan kung anong mga dapat gawin para maiwasan ang pagkalat ng sakit tulad na lamang pagsusuot ng facemask.
Sa pahayag ng DOH, binigyan ng kapangyarihan ang mga Local Government Units (LGUs) sa ilalim ng Republic Act No. 11332 upang matukoy ang mga hakbang ng public health na angkop para sa kani-kanilang mga lugar.
Ang mga rekomendasyon ng DOH ay palaging ibabatay sa datos at ebidensya kung saan hindi rin naman nagbabago at pareho ang payo nila ngayon panahon ng trangkaso.
Paliwanag pa ng DOH, upang makatulong na maiwasan ang pagkalat, mabuting masanay sa gawi ng public health na panatilihing malinis ang mga kamay, magsuot ng facemask kapag may mga sintomas o upang protektahan ang iyong sarili.
Maigi rin magpabakuna, takpan ang ubo, kumain ng masustansyang pagkain, mag-ehersisyo, iwasan ang paninigarilyo/vaping at pag-inom, at magkaroon ng sapat na pahinga.
Walang kakaiba o bagong virus o strain na umiikot at ang tatlong nangungunang sanhi ng mala-trangkasong sakit (ILI) ay Influenza A, Rhinovirus, at Enterovirus.
Ang SARS-CoV-2 na nagiging sanhi ng COVID-19 ay nasa 1% lamang ng mga kaso na positibo para sa mga mala-trangkasong sakit.









