Iginiit ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senator Sherwin Gatchalian na hayaan ang mga Local Government Units (LGUs) at mga academic institutions na magpasaya kaugnay sa mungkahing academic break matapos ang paghagupit ng magkakasunod na bagyo at malawakang pagbaha.
Diin ni Gatchalian, ang ipapatupad na academic break ay dapat nakadepende sa pinsalang dulot ng mga nagdaang kalamidad.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang Marikina City, na nauna nang nagpatupad ng isang buwang suspensyon ng klase gayundin ang lalawigan ng Cagayan na nagsuspinde ng klase hanggang November 30.
Ayon kay Gatchalian, malaking tulong ang academic break para ang mga estudyante, guro at mga manggagawa na nabiktima ng kalamidad ay magkaroon ng panahon para maka-recover.
Atubili naman si Gatchalian na suportahan ang suhestyon na academic freeze dahil sa COVID-19 pandemic dahil maaari itong magkaroon ng pangmatagalang epekto.
Pangunahing tinukoy ni Gatchalian na idudulot nito ang malaking kawalan sa edukasyon, gayundin ang pagtaas ng antas ng child labor at teenage pregnancy.