Nirerespeto at suportado ng Kamara ang pasya ng Office of the President na iurong ang December 20 na paglagda ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Bill.
Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Jill Bongalon, nakasaad sa konstitusyon ang kapangyarihan ng pangulo na i-veto ang mga probisyon o laman ng ipinasang pambansang budget ng Kamara at Senado kaya mainam na ito ay kanyang pag-aralang mabuti.
Sabi naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman, patunay ito na sensitibo ang Pangulong Marcos sa panawagan ng taumbayan at pinaprayoridad pa rin nito ang edukasyon, sang-ayon sa itinatakda ng saligang batas.
Binigyang diin naman ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na hindi kakaiba ang pagbibigay ng panahon sa ehekutibo para ma-review ang National Budget na inaprubahan ng bicameral conference committee at niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.