Ibinasura ng Court of Appeals (CA) special 14th division ang apela ng GMA 7 kontra sa desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na nagdi-deklarang regular employees ang “talent” employees ng nasabing media network.
Iginiit ng appelate court na tama ang pasya ng NLRC dahil maliwanag na mayroong employee-employer relationship.
Nakasaad sa pasya na kapag ang trabaho ay mahalagang bahagi sa negosyo ng kumpanya at ang mga manggagawa nito ay wala ng ibang pang kumpanyang pinagtatrabahuan, sila ay maituturing na mga regular na empleyado.
Sa desisyon ng CA, binigyang bigat din nito ang pahayag ng mga talent ng GMA 7 na bahagi ng kanilang kontrata sa kumpanya ay ang exclusivity clause na nagbabawal sa kanila na magserbisyo sa ibang kumpanya.
Dagdag pa ng CA, ang employer-employee relationship ay masusukat sa apat na batayan kabilang ang pagpili at pakikipag-ugnayan ng empleyado, ang pagpapa-sweldo, ang kapangyarihan sa pagsibak ng empleyado at ang kapangyarihan ng employer na kontrolin ang empleyado sa paraan kung paano maisasakatuparan ang trabaho nito.