Posibleng sa huling linggo pa ng Setyembre maglalabas ng pasya ang Commission on Elections (COMELEC) kung maisasama sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang Negros Oriental.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, pinag-aaralan pa rin ng Komisyon kung maisasama sa COMELEC Control ang BSKE sa Negros Oriental, matapos na mapabilang sa 27 lugar na nasa red category ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Pinaghahandaan na rin aniya ng COMELEC ang special election sa Negros Oriental.
Dagdag pa ni Garcia, maaari nilang maisagawa ang special election sa lalawigan sa ikalawang linggo ng Disyembre.
Handa at kaya naman aniya ng poll body mapaghandaaan ito sa oras na matapos ang BSKE sa Oktubre.
Samantala, sinabi ni Garcia na bago matapos ang Setyembre ay maaari na silang makapag-imprenta ng balota para sa special election.