Posibleng sa unang linggo pa ng Mayo maglalabas ng malinaw na pahayag ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Sa interview ng RMN Manila kay DepEd Undersecretary Atty. Nepomuceno Malaluan, ipinaliwanag nito na marami ang kailangang ikonsidera kung papayagan o ikakansela ang school opening sa June dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Malaluan, hihintayin pa rin nila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Pero sa kabila nito, sinabi ng opisyal na patuloy ang konsultasyon ng DepEd sa mga stakeholders para sa continuity learning plan ng mga estudyante.
Samantala, dahil sa krisis sa COVID-19, inihayag ni Malaluan na ikino-konsidera na rin ng DepEd ang pagbibigay ng ayuda sa mga guro sa mga pribadong paaralan sa ilalim ng Social Amelioration Program.