
Mabuti ang naging hakbang ng Estados Unidos na i-exempt o hindi na patawan ng taripa ang karamihan sa agricultural products na galing sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go na naglabas ng Executive Order si US President Donald Trump na nagsasabing ang mga agri products na hindi itinatanim sa US ay hindi papatawan ng reciprocal tariff.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang desisyon ng Estados Unidos ay magandang hakbang dahil mababawasan ang pangamba ng mga industriya sa sektor ng agrikultura.
Matagal na kasing umaasa ang agri sector sa export market ng Estados Unidos.
Dahil sa exemption, wala nang ipapataw na taripa ang karamihan sa agricultural exports ng Pilipinas papuntang Amerika.
Kabilang na rito ang coconut copra oil, coconut water, desiccated coconut, fruit juices, processed pineapples, confectionary goods, fresh at processed bananas, tuna fillets at dried fruits.









