Sa kauna-unahang pagkakataon, nahirapan ng husto ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa naging desisyon nitong ibaba sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang quarantine status ng Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inabot sila ng ilang oras sa diskusyon at debate kung kaya’t idinaan na lamang kagabi sa secret voting o balloting ang desisyon ng bawat miyembro.
Sinabi ng kalihim na may ilang nais ipagpatuloy o palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil hindi pa tuluyang bumababa ang kaso at tumataas pa ang bilang ng mga nasasawi.
May ilang mga eksperto rin ang nagsabi na hindi na epektibo ang ECQ.
Paliwanag pa nito, napakamahal ng ECQ sapagkat dito sarado ang mga negosyo at bigayan ng ayuda sa mga pinaka-apektadong residente.
Kagabi, pasado alas-11:00 nang maglabas ng desisyon ang IATF kung saan isasailalim na sa MECQ ang National Capital Region (NCR) at Laguna simula bukas, August 21-31.
Habang MECQ na rin ang iiral sa Bataan simula August 23-31.