Iginagalang ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang desisyon ng ilang Local Government Units (LGUs) kaugnay sa pagbili ng kanilang sariling bakuna.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na nakasaad sa pinirmahang tripartite agreement na dapat isangguni ng mga LGUs ang nais na brand ng bakuna.
Aniya, ang national government lamang ang maaaring bumili ng bakuna na direkta mula sa mga pharmaceutical companies.
Ayon pa kay Malaya, ang magiging papel nila rito ay tiyaking aprubado ng mga Vaccine Expert Panel (VEP) at Food and Drug Administration (FDA) ang mga COVID-19 vaccines.
Maliban dito, kailangan din siguruhin ng ahensya na magiging maayos ang pamamahagi ng bakuna alinsunod sa inilabas na priority list ng pamahalaan.
Samantala, sa national government na manggagaling ang pondo ng mga LGUs na walang kakayanang bumili ng sarili nilang bakuna.