Desisyon ng Kamara na patalsikin si Arnolfo Teves Jr. sa Kongreso, hindi makakaapekto sa resulta ng imbestigasyon ng Senado

Kumpyansa ang Senado na hindi makakaapekto sa resulta ng ginawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang naging desisyon ng Kamara na patalsikin si Congressman Arnolfo Teves Jr.

Paliwanag ni Senator Ronald Bato dela Rosa, ang ilalabas naman nilang resulta at rekomendasyon ay nakabase sa mga kaso ng patayan sa lalawigan ng Negros Oriental at pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na siyang siniyasat ng Mataas na Kapulungan.

Wala aniyang impluwensya sa findings ng kanilang imbestigasyon ang ipinataw na parusa ng Kamara laban kay Teves.


Sinabi naman ni Senator Chiz Escudero na naaayon naman sa jurisdiction, judgement at wisdom ng mababang kapulungan ang kanilang desisyon na sipain na si Teves bilang kanilang myembro.

Naniniwala din ang senador na ang nangyari kay Teves ay magsisilbing precedent pagdating sa kapangyarihan ng Kongreso na disiplinahin o alisin ang sinumang kasapi o kinatawan na nakagawa ng paglabag at pang-aabuso sa batas.

Facebook Comments