
Rerebyuhin muna ng Malacañang ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa hatol na reclusion perpetua laban sa mga pulis na responsable sa pagpatay kay Kian delos Santos.
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, mahalagang maunawaan nang buo ang naging pasya ng korte bago tugunan ang mga panawagang palawakin ang imbestigasyon sa iba pang kaso ng extra-judicial killings o EJK.
Ang panawagan ay mula sa ilang grupo ng simbahan, civil society, at mga mambabatas, na nais ipaubaya sa isang independent commission ang pagbusisi sa iba pang insidente ng EJK sa bansa.
Matatandaang naging kontrobersyal ang isyu ng EJK sa nakaraang administrasyon kaugnay ng kampanya kontra iligal na droga.
Gayunman, iginiit ng Malacañang na nananatiling umiiral ang due process at ang rule of law, at papanagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa mga kasong pagpatay.









