Desisyon ng korte sa Maguindanao Massacre Case, pinuri ng mga senador

Nagpahayag ng pagsaludo ang mga senador sa dedikasyon ni Judge Jocelyn Solis Reyes at tapang na manindigan sa panig ng tama at katwiran.

 

Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Imee Marcos, maituturing na isang tagumpay ng hustisya ang hatol na guilty sa mga principal na akusado ng tinaguriang Maguindanao Massacre na kumitil sa buhay ng 58 katao kabilang na ang 32 mamamahayag.

 

Ayon kay Senator Francis Tolentino, ang hatol ni Judge Reyes ay patunay ng kahalagahan na pagtiwalaaan natin ang sistema ng hustisya sa ating sibilisadong lipunan.


 

Nauunawaan naman ni Senator Panfilo Ping Lacson na inabot ng sampung taon bago nakapagbaba ng hatol ang korte dahil sa dami ng akusado.

 

Diin ni Lacson, ang pasya ni Judge Reyes ay nagpasigla muli sa tiwala ng mamayang Pililino sa sistema ng hustisya sa bansa.

 

Sabi naman ni Senator Kiko Pangilinan, kailangan manatiling mapagbantay ang media at taumbayan dahil may apela pa.

 

Panawagan naman ni Senator Win Gatchalain, hindi na natin hahayaan pang maulit na mangyari ang ganitong trahedya kaya dapat patuloy tayong magbabantay laban sa anumang uri at mukha ng kriminalidad.

 

Apela naman ni Senator Joel Villaneuva sa mga otoridad, tiyaking mahuhuli ang mga nakakalaya na kasama sa nahatulan upang matiyak na mapagsisilbihan nila ang kanilang kaparusahan.

 

Giit naman ni Senator Richard Gordon, malinaw sa itinatakda ng Good Conduct Time Allowance Act o GCTA na hindi dito maaring makinabang ang mga sentensyado sa karumal dumal na krimen.

 

Diin naman ni Senator Risa Hontiveros, dapat magtulung tulong ang lahat para tuludukan ang karahasang hatid ng mga political dynasties na ang target ay kumapit sa kapangyarihan at maisulong ang mga pansariling intres.

 

Paalala naman ni Sen. Ronald Bato Dela Rosa sa mga pulis ang kanilang tungkulin na pagsilbihan at proteksyunan ang mamamayang Pilipino at hindi para magpagamit sa mga tiwali at walang diyos na pulitiko.

 

 

 

Facebook Comments