Desisyon ng Korte Suprema ang dapat umanong manaig.
Ito ang iginiit ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ng maghain siya ng show cause order sa Kataas-taasang Hukuman para hilingin na pagpaliwanagin si Makati City Mayor Abby Binay kung bakit hindi ito dapat na patawan ng parusa matapos sabihin na hindi pa tapos ang kaso ng territorial dispute sa pagitan ng dalawang lungsod.
Kasabay nito, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang kahandaan na i-take over ang 10 barangay mula sa Makati na ayon sa Korte Suprema ay sakop ng Taguig.
Kabilang rito ang mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.
Ayon kay Cayetano, hindi nila nais na magkaroon ng antala sa serbisyo ng mga residente ng nasabing barangay.
Apela ni Cayetano sa Makati Local Government Unit (LGU), igalang ang desisyon ng Korte Suprema para maiwasan ang kalituhan sa mga residente.
Legal na hakbang umano ito ng Taguig para maiwasan ang anumang problema na maaaring idulot nito.
Una rito, sinabi ng Supreme Court (SC) na pinal na ang desisyon patungkol sa Taguig-Makati dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso.
Sa ilalim ng rules, ang kaso na naipasok na sa SC Book of Entries of Judgments ay nangangahulugan na ang kaso ay hindi na maaaring iapela o irebisa.