Desisyon ng Korte Suprema, hiniling ng ilang senador na igalang; pangunahing problema sa bansa, mas dapat na tutukan sa 20th Congress

Umapela ang ilang mga senador sa lahat na igalang ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Paliwanag ni Senator Alan Peter Cayetano, bagama’t lehislatibo ang nagsasagawa ng impeachment proceedings, mandato naman ng Korte Suprema na i-interpret ang batas at ang Konstitusyon at kabilang dito ang rules of impeachment.

Dagdag pa ni Cayetano, kung may tanong kung tama ang proseso ng impeachment tulad ng mga isinampang kaso at kung may hurisdiksyon, ito ay mandato naman ng Supreme Court.

Umaasa naman si Senator Christopher “Bong” Go na magiging daan ang ruling ng Supreme Court para mas tutukan na ngayon ang pangangailangan ng taumbayan lalo na ang mga mahihirap.

Iginiit ni Go na maraming dapat na isabatas na panukala na dapat trabahuin ng Senado para mapabuti ang serbisyo at programa ng gobyerno lalo ngayon na maraming mga kababayan ang apektado ng malawakang pagbaha dulot ng sunod-sunod na mga bagyo.

Facebook Comments