Desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang VP Sara impeachment, pinalagan ng mga pabor sa paglilitis

Mariing kinondena ng grupo ng mga pari ang naging desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.

Sabi ni Fr. Robert Reyes ng Clergy for Good Governance, ipinapakita nito ang kawalan ng katarungan sa Pilipinas dahil sa pagsuporta sa opisyal na dapat linawin ang sarili.

Wala aniyang sinuman ang dapat maging higit sa batas at iginiit pa nito na isinawalang bahala umano ng Supreme Court ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng impeachment trial.

Nanawagan din ang Clergy for Good Governance sa taumbayan na manalangin para manaig ang katotohanan at umusad ang impeachment laban sa pangalawang pangulo.

Samantala, nanindigan din si Senator Bam Aquino na dapat ituloy ang impeachment laban kay VP Sara dahil dapat nirespeto aniya ng SC ang mandato at kapangyarihan ng mataas na kapulungan na magsagawa nito.

Nanawagan din ang mambabatas sa mga kasamahan nito na agad magsagawa ng caucus para talakayin ang desisyon na bumalewala umano sa kanilang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas.

Facebook Comments