Desisyon ng Korte Suprema sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU), pinagagamit na gabay sa posibleng oil at gas exploration sa West Philippine Sea

Inirekomenda ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamahalaan na gawing gabay ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara na labag sa Konstitusyon ang Joint Marine Seismic Undertaking (JSMU) na pinasok ng Pilipinas kasama ang China at Vietnam para sa exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Zubiri, mahalagang maging gabay sa inaasahang muling paguusap ng Pilipinas at China para sa posibleng joint oil at gas exploration sa West Philippine Sea ang naging desisyon ng Korte Suprema sa JMSU.

Dapat na maging maingat sa pakikipagusap at pakikipagkasundo ang Pilipinas sa China dahil posibleng mauwi ito sa wala kung sa bandang huli ay madedeklara rin pala itong unconstitutional.


Dahil dito, hinimok ni Zubiri si Executive Secretary Lucas Bersamin na bilang dating Chief Justice ay pag-aralan ang nasabing Supreme Court ruling at bigyan ng magandang payo ang Pangulo patungkol sa usapin.

Umapela rin ang Senate President sa pamahalaan na maliban sa West Philippine Sea ay ikunsidera na rin ang oil exploration sa ibang bahagi ng bansa tulad na lamang sa Sulu Sea na pinaniniwalaang posibleng mayaman sa langis.

Facebook Comments