Patuloy na umaasa ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na kakatigan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon kaugnay sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVM).
Sa kanilang isinagawang kilos-protesta kasabay ng State of the Nation Address (SONA), sinabi ni PISTON National President Ka Mody Floranda na hinihintay pa rin nila kung maglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema.
Sakali aniya kasing ilabas ang TRO ay malaking tulong ito para sa mga tsuper na hindi na makabiyahe dahil walang prangkisa.
Ayon kay Floranda, sa ngayon ay nakakabiyahe pa rin naman ang ilan sa kanila lalo na sa mga lugar na mababa ang bilang ng mga nagpa-consolidate.
Pero, sinabi ni Ka Mody na patunay lamang ito na hindi gaanong naging epektibo ang consolidation lalo na’t lumitaw na daan-daang ruta pa rin sa kalakhang Maynila ang kakaunti ang consolidated jeep.
Inihain ang petisyon laban sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ihinto ang implementasyon ng programa.