Hindi minasama ni Senator Grace Poe ang pagpayag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipalabas sa mga sinehan sa bansa ang “Barbie movie”.
Ayon kay Poe, naiintindihan niya ang sentimyento ng taumbayan sa West Philippine Sea at hindi dapat payagan ang mga propagandang tinatapakan ang soberenya ng bansa.
Pero kung siya mismo ang tatanungin, wala aniyang pang-iinsulto at wala ring paglabag na makikita sa pelikula.
Pinadalhan aniya siya ng liham ng MTRCB para ipaliwanag ang kanilang desisyon na payagan ang pagpapalabas sa bansa ng pelikulang Barbie kalakip ang litrato ng kontrobersyal na world map at kanyang napuna na para lamang itong drawing o guhit ng isang bata.
Bukod dito, ang dash lines na makikita sa mapa ay hindi siyam kundi 20 dahil ito ay tumutukoy pala sa paglalakbay na gagawin ni Barbie at walang kinalaman sa nine dash line ng China.
Kung tutuusin aniya ay mali-mali nga ang mapa dahil maraming bansa ang wala roon kaya ikinagulat niya na maraming inilabas na statements laban sa pelikula partikular sa hanay ng mga mambabatas.
Payo ni Poe na magsilbi itong aral sa lahat na bago magpawanagan ng ban sa mga pelikula ay panoorin ang kabuuang portion o context ng eksena ng pelikula.
Umapela rin ang senadora sa producers ng pelikula na para maiwasan ang mga ganitong hindi pagkakaunawaan ay maging maingat sa mga eksenang posibleng may kinalaman sa geopolitical issues.