Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang ruling ng Office of the Ombudsman na nagdidiin kina Catanduanes Governor Joseph “Boboy” Cua at dating Bato Mayor Eulogio “Leo” Rodriguez sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa resolusyon ng Korte Suprema, binasura nito ang petisyon ni ex-mayor Rodriguez matapos katigan ang March 14, 2019 resolution at September 18, 2019 joint order ng Ombudsman.
Partikular ang pag-apruba ni Ombudsman Samuel Martires sa resolution kung saan lumalabas na si Cua at Rodriguez ay guilty sa krimen.
Ipinag-utos din noon ng Ombudsman ang 90 araw na suspensyon kina Cua at Rodriguez kasunod ng administrative charges na inihain ng isang Rey Mendez.
May kaugnayan ang reklamo sa bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno malapit sa isang mall kung saan ginamit ng E.R. Construction bilang bunkhouse at garahe nang hindi pinagbabayad ng upa.
Sinasabing ang mall ay pag-aari ni ex-mayor Rodriguez.
Itinanggi naman noon ni Cua na pinagamit niya nang libre ang lote na pag-aari ng gobyerno.