Manila, Philippines – Hindi na nagulat ang Malakanyang sa naging desisyon ng Korte Suprema sa pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na pangangalagaan nito kapakanan ng bawat Pilipino at hindi hihinto sa paglaban sa rebelyon at terorismo.
Sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, inaasahan na nila na papabor dito ang Korte Suprema dahil matibay ang mga bayatang inilatag ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.
Ayon naman kay Calida, patunay lang ito na kaisa ni Pangulong Duterte ang mga Supreme Court justices sa pagprotekta sa soberenya ng bansa.
Malinaw din aniya ang desisyon na pinahihintulutan ng SC si Pangulong Duterte na gampanan ang kanyang tungkulin na protektahan ang mga Pilipino.
Kaugnay nito natuwa naman ng Armed Forces of the Philippines sa pagpabor ng Supreme Court sa pagpapairal ng batas militar sa Mindanao.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla – masaya silang pumanig ang Korte Suprema sa mga ginagawa ng mga militar para sa ikapapayapa ng sitwasyon sa Marawi.
Kasabay nito ay tiniyak ni Padilla na mangingibabaw ang rule of law kung saan hindi mauuwi sa pang aabuso ang batas military.