Ipapaubaya na lang ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung ano ang ipatutupad na quarantine status sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at MMC Spokesperson Jojo Garcia, naniniwala pa rin ang mga mayor ng Metro Manila sa kakayahan ng IATF-EID sa irerekomenda nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na quarantine classification na ipatutupad sa NCR.
Sa ginawang meeting ng MMC kagabi kaugnay dito, pinaghandaan at pinag-usapan lang kung ano ang kanilang gagawin kung mananatili sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) o bababa ito sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Pero hihilingin din anya ng MMC sa IATF-EID na magpatupad ng mandatory na pagsusuot ng face shield sa mall, palengke, at iba pang pampublikong lugar.
Sinabi rin nito na kabilang sa kanilang pagpupulong kagabi ang ilang miyembro ng IATF tulad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año via zoom at IATF-EID Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.
Matatandaan, ipinatupad ang MECQ sa Metro Manila simula noong August 4 at magtatapos bukas, August 18, 2020.