Desisyon ng Senado na ipa-subpoena ang ilang opisyal ng gobyerno para sa pagdinig sa pagkaka-aresto kay FPRRD, hinihintay na lamang ng Palasyo

Screenshot from Senate of the Philippines/YouTube

Hinihintay na lamang ng Malacañang ang magiging desisyon ni Senate President Chiz Escudero kung ipapa-subpoena ang ilang miyembro ng gabinete para mapadalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kasalukuyan pang pina-aaral ni Escudero ang usapin sa legal department ng Senado.

Oras na lumabas na aniya ang subpoena ay tsaka pa lamang sila magbibigay ng tugon kung dadalo ang mga inimbitahang opisyal.


Tiniyak din ni Castro na susunod sila sa kung ano ang itinatakda ng batas.

Matatandaang ilang beses na nanindigan ang Palasyo na nasagot na ng mga opisyal ang mga tanong sa unang pagdinig sa Senado.

Iginiit din ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may mga paksa sa hearing na hindi na sakop ng executive privilege kaya hindi na dadalo ang ilang opisyal ng ehekutibo.

Facebook Comments