Manila, Philippines – Inaasahang ilalabas ng Korte Suprema ang kanilang desisyon kung papaboran nito o hindi ang mga petisyon na ipawalang bisa ang Martial Law sa Mindanao sa Hulyo a-5.
Ito ay makaraan ang isinagawang Executive Session ng Supreme Court kasama ang mga opisyal ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines kaugnay sa implementasyon ng batas militar sa Mindanao.
Pinagsusumite din ng Kataas-Taasang Hukuman ng memoranda ang lahat ng partido sa kaso sa June 19.
Kanina, matatandaang pinagbigyan ng mga mahistrado ng Supreme Court ang kahilingan ng Office of the Solicitor General ng Executive Session dahil sa pangamba na may mga sensitibong impormasyon sa usaping pangseguridad ng bansa na maibahagi ang mga opisyal ng militar.
Kasama sa mga humarap sa mga mahistrado sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año.
Si Lorenzana ang tumatayong Martial Law administrator at si Ano naman ang Martial Law implementor.
Nasa executive session din sina Solicitor General Jose Calida, at ang iba pang matataas na opisyal ng AFP at mga abogado ng Defense Department.