Desisyon ng taumbayan, dapat tanggapin na ng mga natalong kandidato – Sen. Pacquiao

Manila, Philippiens – Iginiit ni PDP-Laban campaign manager Senator Manny Pacquiao sa mga natalong kandidato sa katatapos na eleksyon na tanggapin ang naging pasya ng taumbayan.

Naniniwala si Pacquiao na maaring may ibang plano ang Panginoon sa mga hindi pinalad na kandidato.

Pinaalala din ni Pacquiao na minsan na rin siyang natalo sa eleksyon pero tinanggap niya ito ng maluwag sa kalooban.


Ang pahayag ni Pacquiao ay tugon sa sinabi ni Liberal Party o LP President at Otso Diretso campaign manager Senator Kiko Pangilinan na kaduda-duda ang resulta ng eleksyon dahil sa mga nangyaring aberya.

Pangunahing tinukoy ni Pangilinan ang pitong oras na pagkabinbin ng transmission ng boto mula sa transparency server.

Pero katwiran ni Pacquiao, nagkakaroon lang ng pagdududa dahil ayaw tumanggap ng pagkatalo ang mga natalo.

Paliwanag pa ni Pacquiao, 30-taon na niyang naririnig ang mga duda at alegasyon tuwing halalan pero wala namang napapatunayan.

Facebook Comments