Suportado ng kinatawan ng Pasig City ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang face-to-face classes ng mga estudyante.
Ayon kay Pasig City Representative Roman Romulo, mas mabuting pagtuunan muna ng pansin ng Department of Education (DepEd) ang pakikipag-usap sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para palakasin ang Wi-Fi connection sa maraming bahagi ng bansa.
Ito ay para mabigyang-daan ang virtual classes sa isinusulong na “blended learning” bilang bahagi ng new normal sa sistema ng edukasyon habang may banta pa rin ng COVID-19.
Paliwanag ni Romulo, maaari ring bigyan ng mga learning materials ang mga estudyante na walang kakayahang makabili ng tablet at laptop at mga lugar na mahina ang Wi-Fi.
Dagdag pa ni Romulo, aabot lamang sa 40% ng mga paaralan sa bansa ang mayroong maayos at malakas na internet.
Planong ungkatin ng kongresista sa pagdinig sa Kamara bukas ang annual budget ng DepEd upang alamin kung kakayanin ba nitong magbigay ng laptop sa bawat gurong sasabak sa virtual classes.
Imumungkahi rin niya sa DepEd na bawasan muna ang ibang asignatura sa Grade 1 hanggang Grade 3 at tumutok lamang sa pagtuturo ng wastong pagsulat, pagbasa at pagbilang.