Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na ipinapakita ng administrasyon ang epektibo at patas na pagpapatupad ng batas.
Partikular sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na total ban o tuluyan nang isara ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa buong bansa.
Dahil dito, tiniyak at nangako si Justice Secretary Crispin Remulla na suportado ng DOJ ang naturang kautusan ng pangulo na inihayag nito sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Nabatid na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang mamumuno sa pagpapasara sa lahat ng mga POGO sa bansa, habang ang DOLE o Department of Labor and Employment ang bahala sa pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga empleyadong tatamaan ng pagsasara ng POGO.
Nananawagan naman ang DOJ na magsama-sama ang lahat at suportahan ang pangulo para sa layunin na maging progresibo ang ating bansa.