Ipapaubaya na ng Land Transportation Office (LTO) ang Kongreso na magdesisyon kung babaguhin nito ang multa sa ilalim ng inaprubahang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, susunod lamang ang kanyang tanggapan sa kung anong mapagde-desisyunan ng mga mambabatas kapag lumakad na ang implementasyon nito.
Kamakailan nang aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte na masyadong mahal ang P50,000 hanggang P100,000 na multa.
Kung siya raw kasi ang tatanungin, bukas siyang ibaba ito sa P10,000 hanggang P15,000.
Nilinaw naman ni Galvante na hindi gawa sa metal ang bagong plate numbers na ire-release sa ilalim ng batas.
Ito ay makaraang sabihin ng Pangulo na handa siya ipasuspinde ang batas dahil sa ilang concern hinggil sa seguridad ng mga bagong plaka.