Manila, Philippines – Pinamamadali ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang Korte Suprema sa pagbibigay ng desisyon kaugnay sa inihain nilang mosyon na kumkwestyon sa dagdag na pasahe sa MRT at LRT noong 2015.
Giit ni Zarate, Disyembre ng 2014 nang ipatupad ang dagdag na pamasahe sa MRT at LRT sa katwirang pagagandahin ang serbisyo.
Pero, hindi aniya ito nangyari dahil hanggang ngayon ay hindi bababa sa tatlo hanggang apat na aberya sa kada araw ang nararanasan ng mga pasahero partikular sa MRT3.
Dahil dito, hinihingi na ng MAKABAYAN ang agad na pag-resolba ng Supreme Court sa kaso at ipakita kung ano ang ginamit na ligal na basehan para sa fare hike.
Hiniling din ng kongresista na i-refund ang mga siningil sa mga commuters na dagdag pamasahe dahil wala naman talagang pag-aayos sa serbisyo na nangyari at ipinababalik din sa dating singil ang pamasahe sa MRT at LRT.