Ipinapaubaya na ng Division of City Schools – Manila sa mga principal ng mga paaralan sa lungsod ang desisyon sa pasok ng mga estudyante ngayong matindi ang init ng panahon.
Sa inilabas na Division Memorandum No. 123 series of 2024, maaaring magdesisyon ang mga school principal kung nais nilang suspendihin ang face-to-face classes o magpatupad ng asynchronous classes.
Ito’y dahil sa patuloy na init ng panahon na nararanasan kung saan ang mga school principal ang may awtoridad, responsibilidad at pananagutan kung anuman desisyon ang kanilang gagawin.
Bukod dito, pinapayagan ang mga guro at estudyante na magsuot ng komportableng kasuotan bukod sa kanilang uniporme para mabawasan ang init na kanilang nararamdaman.
Pero, dapat ay nasa maayos pa rin ang mga damit para sa mga estudyante habang ang mga kasuotan ng mga guro ay dapat na nakakasunod sa Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular No. 19 series of 2000.