Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang naunang desisyon nito na payagang tumestigo si Mary Jane Veloso laban sa kanyang recruiters sa isang hiwalay na kaso sa Pilipinas.
Sa inilabas na resolution ng special third division, ibinasura nito ang motion for reconsideration na inihain ng Public Attorney’s Office (PAO) na tumatayong abogado nina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao, na mga recruiter ni Veloso.
Lumabas sa resolusyon na nabigo ang PAO para itaguyod ang substantial argument na nagtitiyak sa naunang ruling ng SC noong October 2019.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ikinagagalak nila ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Indonesia at nahaharap sa death penalty matapos maaresto noong 2010 na may dalang mahigit dalawang kilo ng heroin.