Detalyadong accounting para sa pinalawig na bisa ng 2020 budget, hiniling ng isang kongresista

Pinagsasagawa ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang Department of Budget and Management (DBM) ng buo at detalyadong accounting ng lahat ng pondo sa 2020 na pinalawig at gagamitin hanggang ngayong 2021.

Ayon kay Herrera, dapat bantayan ng DBM kung paano nagastos o gagastusin ang mga pondo na pinalawig ang validity lalo na at bahagi ng pre-election cycle ang 2021 para naman sa 2022 national at local elections.

Punto nito na hindi lang basta P4.5 trillion ang pondo ng bansa para sa taong 2021 dahil may mga pondo pa mula 2018, 2019 at 2020 kasama pa rito ang Bayanihan budget na pinalawig ang bisa hanggang ngayong taon dahil na rin sa mabagal na procurement at utilization rate.


Kung susumahin, posible pa nga aniya na pumalo ng hanggang P5 trillion ang pondo ng pamahalaan ngayong 2021.

Pinaalala ng kinatawan sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan pati na sa Local Government Units (LGUs) ang spending ban dahil sa 2022 elections kaya’t dapat ay maging on time at mabilis ang mga ito sa paggasta ng inilaang pondo upang hindi masayang.

Facebook Comments